Matapos ihayag ni Sofia Trazona, ang trans woman na anak ni SexBomb Izzy Trazona, na hindi na sila nagkikita ng kaniyang ina, inihayag naman ng huli na patuloy silang may ugnayan ng kaniyang anak.

Sa Facebook post, ibinahagi ni Izzy ang naging palitan nila ng mensahe sa social media ng kaniyang anak na tinawag niyang si Andrei.

Ayon kay Izzy, una niyang binalak na huwag isapubliko ang relasyon nilang mag-ina. Ngunit dahil may mga netizen na nagbabahagi umano ng kanilang mga opinyon na hindi naman hinihingi, naramdaman niyang kailangan na niyang magsalita.

“Ang dami nanaman lumalabas at nagcocomment even if they don’t know the truth behind,” saad ni Izzy. “Palaging gano’n, [pero] dapat ‘wag gano’n.”

“Pero pipilitin ko pa rin intindihin ang mga people,” dagdag niya.

Sa pinakahuli nilang pag-uusap, ipinahayag ni Sofia ang kaniyang kasiyahan nang makita ang kaniyang ina na muling nakasama ang SexBomb Girls sa entablado para sa “Rawnd 4” reunion concert.

“Naiiyak lang ako na nakita ko na nasa concert ka with your friends,” saad ni Sofia.

BASAHIN: Izzy, ikinuwento kung papaano nangyari ang surprise appearance niya sa Sexbomb concert

Tugon naman ni Izzy sa anak, “Salamat anak, by His strength always. I miss you! Continue to be strong, praying for you always. Mag-ingat ka palagi. I love you.”

Inihayag din ni Sofia na nami-miss din niya ang kaniyang ina at lagi rin niya itong ipinagdarasal.

Inilabas ni Izzy ang post, ilang araw matapos ihayag ni Sofia sa X na hindi na niya personal na nakikita ang kaniyang ina dahil natatakot siyang baka hindi siya matanggap nito bilang isang trans woman.

“’Pag nakita niya ako na [trans woman] na, natatakot ako na baka iba ‘yung reception na ma-receive ko, but it doesn’t mean na ‘di ako nagta-try mag-reach out,” ani Sofia.

Noong 2023, ipinahayag ni Izzy sa social media ang kaniyang pagtutol sa pagiging drag queen ni Sofia, at sinabing nais lamang niyang protektahan si Andrei at ang tatlo pa niyang anak “going against the faith I have in Christ."

"Andrei anak, I love you so much to not support you on things that will harm you," saad ni Izzy.

Sa parehong taon, sumali si Sofia sa isang drag competition na “Bunganga Battle Royal,” kung saan ipinakilala niya ang sarili bilang “the SexBomb legacy.”

Hermes Joy Tunac/FRJ GMA Integrated News