Bagama’t emosyonal, matapang na inilahad ni AJ Raval na mayroon na siyang limang anak, kung saan tatlo ang mula sa partner niyang si Aljur Abrenica.

“Actually Tito Boy, lima na po. I have five kids,” pag-amin ni AJ sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles.

“First one is my Arianna. Panganay ko po siya, seven [years old],” sabi ni AJ, na nagsimulang maluha habang ikinukuwento ang kaniyang pagiging isang ina.

Tuluyan nang naluha si AJ tungkol sa ikalawa niyang anak.

“And then, second one is Aaron. He's an angel. Wala na po siya,” ani AJ.

Kinumpirma ni AJ na may tatlong anak na sila ni Aljur.

“And then, third one is Althena, ‘yung panganay po namin si Aljur. Junior, and then Abraham.”

Sinabi ni AJ na nagsalita siya para matapos na ang mga usapin tungkol sa kaniya, at makaramdam na ng kalayaaan ang kaniyang mga anak.

“Gusto ko na pong matapos, and gusto ko na po magkaroon ng freedom ang mga kids,” aniya.

“Para hindi na nagtatago?” pagsegundong tanong ni Tito Boy, bagay na kinumpirma rin ni AJ.

Pinag-isipan din ni AJ ang kaniyang pagsasalita.

Ikinuwento ni AJ na may magandang relasyon ang kaniyang mga anak, at may ugnayan din sila sa anak ni Aljur kay Kylie Padilla na si Alas.

“Naglalaro po sila lagi. And then, ‘yung panganay ni Aljur, si Alas, very responsible sa mga bunso.”

Hindi itinanggi ni AJ na mahirap ang kaniyang pinagdadaanan bilang isang batang ina.

“At first, mahirap po. Pero siyempre, nandiyan po ‘yung pamilya ko, nakasuporta po sila. Kinaya naman po.”

Huwag gagaya

Mensahe ni AJ sa kaniyang mga anak, na huwag silang gumaya sa kaniyang mga pagkakamali.

“Maging mabuti silang bata, huwag silang gagaya sa akin.”

Pangarap niya para sa mga anak, “Magkaroon ng malayang buhay.” — Jamil Santos/VBL GMA Integrated News