Nagkomento si AJ Raval tungkol sa viral memes na kumakanta ang kaniyang partner na si Aljur Abrenica. Ayon sa aktres, gustong maka-collab ni Aljur ang aktor na si Tom Rodriguez.

“Hindi po namin inexpect na gano'n po siya tatanggapin ng mga tao na parang ang saya-saya nila sa video ni Aljur,” sabi ni AJ sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles.

Ayon kay AJ, pinagpaguran at inumaga sina Aljur at ang kaniyang banda sa ginawang pagkanta, at may rehersal din.

Dagdag kaalaman naman mula kay Tito Boy, sinabi niyang musikero ang tatay ni Aljur, may band at bar ang pamilya dati.

“Kumakanta talaga si Aljur dati kahit pa nung nag-i-Startruck dito sa GMA 7. He really sings,” ani Tito Boy.

Tinanong ni Tito Boy si AJ kung ano ang reaksyon ni Aljur nang kagiliwan siya ng netizens.

“Wala Tito Boy, tawa siya nang tawa. Eh pagdating naman po sa mga bashing, wala naman din po feelings din sa pagba-bash sa kaniya,” ani AJ.

Katunayan, bukas pa nga sina Aljur at Tom na mag-collab.

“Actually gusto po nila,” sabi ni AJ. “Naririnig ko po… Sir Tom and Miss R.C. Munoz and Aljur daw po,” ani AJ.

Sa naturang panayam din ginawa ni AJ ang paglalahad niya na mayroon na siyang limang anak, kung saan tatlo ang mula kay Aljur. – FRJ GMA Integrated News