Nagbigay din ng mensahe si Jillian Ward bilang tugon sa naunang mensahe sa kaniya ni Eman Bacosa Pacquiao, na umamin sa panayam ng "Fast Talk with Boy Abunda" na crush niya ang Kapuso actress.

Sa panayam naman ni Nelson Canlas kay Jillian na ipinalabas sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ng Sparkle actress na nakita niya na nag-follow si Eman sa kaniyang Instagram account, at nagla-like sa kaniyang mga post.

"Na-appreciate ko naman. Finollow niya po ako, finollow back ko. Napapanood ko din po 'yung mga TikToks tungkol sa kaniya na he's very Godly, he's very nice," saad ni Jillian.

Nang hingan si Jillian ng mensahe para kay Eman, binati ng dalaga ang anak ni Manny Pacquiao sa pagiging isa na ring Kapuso matapos na pumirma ng kontrata sa Sparkle GMA Artist Center nitong Miyerkoles.

"Welcome to Sparkle, welcome to GMA, and I pray na hindi ka magbago. I pray po na he stays true to himself and very Godly and may God bless him always,” mensahe ni Jillian kay Eman.

Dahil nabanggit ni Eman sa “Fast Talk,” na hangad niyang makita nang personal ang dalaga, sabi rito ni Jillian, “Sabi niya sana magkita kami soon, so I hope to see you soon din."

Sa naturang panayam, inihayag din ni Jillian na nililimitahan na niya ang pagbabasa ng mga komento sa social media.

"Tinatry ko po iwasan [magbasa ng comments], mas nagfo-focus po ako dun sa, ito, real life," pahayag ng aktres.

Nakita rin daw niya ang mga tunay na nagmamalasakit sa kaniya nang magkaroon siya ng kontrabersiya sa social media.

"'Yung mga nagmessage po talaga sa akin, 'yun talaga nag-take time po na to check up on me, so siguro 'yun na rin po 'yung parang naging way ni God," dagdag niya.

Kabilang si Jillian sa mga bida sa "KMJS' Gabi ng Lagim The Movie" na ipalalabas sa mga sinehan sa November 26.—FRJ GMA Integrated News