Ikinatuwa ni Claudine Barretto ang pagbasura ng Department of Justice sa reklamong isinampa laban sa kaniyang kapatid na si Gretchen kaugnay ng kaso ng nawawalang mga sabungero.
Sa kaniyang Facebook account, nag-repost si Claudine tungkol sa resolusyon ng DOJ at inihayag ng aktres na, “The truth is out!”
“God is on our side always! your strength amazes me. i will celebrate you from a far while i work and in my prayers. to god to be glory!,” saad pa ni Claudine sa post.
Gumamit pa ang aktres ng mga hashtag na #justicewillprevail at #proudsister.
BASAHIN: Gretchen Barretto, lusot sa reklamo kaugnay ng nawawalang mga sabungero
Noong Hulyo, nadawit si Gretchen bilang suspek sa kaso ng nawawalang mga sabungero matapos siya iugnay ni Julie "Dondon" Patidongan o alyas Totoy, kasama ang negosyanteng si Atong Ang, na umano’y utak sa pagdukot sa mga biktima.
Iginiit din ni Patidongan na sumang-ayon umano si Gretchen sa isang pagpupulong na dapat may gawin tungkol sa mga mandarayang sabungero.
Itinanggi naman nina Gretchen at Ang ang paratang, at inakusahan si Patidongan na nanghihingi umano sa kanila ng pera.
Nitong Miyerkules, sa naglabas ng joint resolution ang lupon ng DOJ prosecutors na nagsasaad na “speculative and uncorroborated,” ang mga pahayag ni Patidongan laban sa tinaguriang Pitmaster Alpha Group, na kinabibilangan umano ni Gretchen.
Malugod na tinanggap ng kampo ni Gretchen ang naturang desisyon.
“As Ms. Gretchen Barretto had steadfastly maintained, there is no truth to the accusations against her. She played no part in the case of the missing sabungeros. Thankfully, the Department of Justice agreed,” sabi ni Atty. Alma Mallonga, abogado ni Gretchen.
“Ms. Barretto is grateful to all those who expressed their support and who stood by her throughout her ordeal,” dagdag niya.
Gayunman, inirekomenda ng DOJ na ituloy ang pagsasampa ng kaso laban kay Ang at ilan pang tao na umano’y may kinalaman sa pagkawala ng mga sabungero na umano’y mga patay na.
Inihayag naman ng kampo na maghahain sila ng mosyon para mabaliktad ang naturang desisyon.– Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News

