May balak kaya si Zack Tabudlo na sundan ang yapak sa acting ng mga kapuwa niya singers at "The Voice Kids" alums na sina Juan Karlos and Darren Espanto?
Ito ang tanong kay Zack nang maging bisita sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkoles.
"Ewan, Tito Boy. It's sort of like a gray area po,” saad ni Zack. “I'm open naman po in a way, but I'm always leaning towards music po talaga."
Tanungin kung papayag kaya ang girlfriend niyang si Abby na tumanggap siya ng sexy roles, sagot ni Zack, "Feeling ko naman po. She's very supportive—ayan nga po, tumatawa pa po. Tinataboy na ako ako, 'Sige, go.'"
Si Zack ang naging coach ni Sofia Mallares sa "The Voice Kids Philippines," na nagwagi sa kaniyang pag-awit ng "The Prayer" sa finale noong Linggo.
Kabilang sa mga awitin ni Zack ang "Binibini," "Give Me Your Forever," "Naguguluhan," at iba pa. —Carby Rose Basina/FRJ GMA Integrated News
