Kinumusta si Althea Ablan tungkol sa samahan nila ngayon nina Jillian Ward at Sofia Pablo, na co-stars niya sa dating hit drama series na “Prima Donnas.”

Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, tinanong ni Tito Boy si Althea tungkol sa kaniyang pakikisama sa kaniyang mga kapuwa Kapuso star.

“I don't see my co-actors na nakikipag-compete ako sa kanila kasi kung ano ‘yung love ko, kung ano ‘yung gusto ko talagang gawin, ‘yun ‘yung focus ko lang po talaga eh. Nagwo-work talaga ako,” sabi ni Althea.

Inilarawan pa niya na espesyal ang pagkakaibigan nila nina Jillian at Sofia.

“My friendship with Sofia and Jillian, talagang iba po talaga. Si Sofia, friend ko siya nung pumasok ako dito sa GMA. Siya po talaga ‘yung best friend ko,” ani Althea.

Inamin naman niyang dumaan sa pagsubok ang pagkakaibigan nila ni Sofia noong magkatrabaho sila sa Prima Donnas, na sinabi niyang natural lamang para sa kanilang edad na mga mas bata pa noon.

“Nung ‘Prima Donnas,’ parang nagkaroon ng something na hindi naman po talaga may iwasan. Which is, mga bata pa naman po kami no’n, Tito Boy. But now, gusto ko lang po makita sila na maging successful sila sa bawat career nila. And for myself na rin po. Kasi may kaniya-kaniya naman po kaming mga unique…unique kami,” sabi niya.

Nang tanungin ni Tito Boy kung kasundo ba ni Althea sina Jillian at Sofia sa ngayon, “I'm Ok. Yes naman po. Jill, yes also. Ok ako sa kanilang dalawa.”

Noong nakaraang taon, ikinagulat ni Althea matapos na mapag-usapan ang umano’y alitan nina Jillian at Sofia.

"Naniniwala ako na magkakaayos pa sila. Hindi lang siguro ngayon, pero maybe someday, 'di ba? Magkakaintindihan din sila," ani Althea.

Unang binuksan ni Sofia ang isyu sa GMA News Interviews kay Nelson Canlas, at sinabing hindi nila napag-usapan ni Jillian ang kanilang hindi pagkakaunawaan.

Bilang tugon sa pahayag ni Sofia, sinabi ni Jillian na wala siyang oras para makipag-away kahit kanino at sinabing naka-pokus siya sa kaniyang sarili.—FRJ GMA Integrated News