Ikinararangal at ipinagpapasalamat ni Barbie Forteza na mapasama siya sa cast ng pelikulang “Until She Remembers,” na pinamahalaan ng premyadong direktor na si Brillante Mendoza.

Sa ulat ni Aubrey Carampel sa GTV News Balitanghali nitong Biyernes, sinabi ni Barbie na nahasa ang kaniyang talento at marami siyang natutuhan mula sa direktor ng pelikula.

Dagdag pa ni Barbie, very natural umano ang naging pag-arte nila sa pelikula.

Dumalo si Barbie sa premiere night nitong Huwebes, kasama ang ilan pang bida ng pelikula na kinabibilangan ng mga batikang aktres na sina Charo Santos-Concio at Boots Anson Roa Rodrigo.

Present din sa premiere ang mga kaibigan ni Barbie gaya nina Alden Richards at Dingdong Dantes, at Sparkle GMA Artist Center First Vice President Joy Marcelo.

“Powerhouse cast talaga itong pelikulang ito. Dream project ko po ito, ang mapabilang sa pelikula na Direk Brillante and to do a project like this na marami rin talagang matutunan kahit ang mga kabataan natin especially today. Kaya I'm just so excited and I'm proud of what we made,” sabi ni Barbie. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News