Ibinahagi ni Boy Abunda ang kaniyang saloobin kaugnay ng kontrobersyal na mga pahayag ni Alvin Aragon, asawa ng dating miyembro ng SexBomb Girls na si Izzy Trazona, tungkol sa LGBTQIA+ community.

Sa simula ng “Fast Talk With Boy Abunda” nitong Miyerkules, inihayag ng TV host ang kaniyang personal na pahayag, at ipinaliwanag na sinadya niyang iwasan ang pagtalakay sa anak ni Izzy na si Sofia Trazona, na isang trans, at ang mga sinabi ni Alvin na kumokondena sa homosexuality.

“Originally, I didn't want to engage. Noong dumating dito si Alvin at saka si Izzy, inimbitahan po namin [sa programa]. You treat your guests well. Sabi ko, I don't want to go into the Sofia issue dahil alam ng lahat that I am, you know, a member of the queer community,” sabi ni TV host.

“So, ayokong… I don't want to go into a debate and I don't want to passionately disagree with anyone who comes to our show," patuloy niya.

Gayunman, sinabi niyang marami nang nangyari matapos ang kaniyang panayam kina Izzy at Alvin kaya napilitan siyang magsalita.

Binanggit niya si Pastor Nixon Ng ng Victory Church Pasay, at binigyang-diin ni Tito Boy ang kahalagahan ng pagpapakita ng biyaya o grace, lalo na sa mga maaaring bago o labis na masigasig sa kanilang pananampalatayang Kristiyano.

Binanggit din niya sina Gary Valenciano at Paolo Valenciano—na kapwa hayagang Kristiyano—bilang halimbawa ng mga taong nababalanse ang pananampalataya at malasakit.

Si Gary ay isa sa mga guest performer sa reunion concert ng Sexbomb Girls, habang si Paolo naman ang nagdirek nito.

"Kung hindi po ako nagkakamali, pati si Jopay [Paguia] at si Joshua [Zamora], they're also from the same church, so we didn't imagine na ito'y dadating dito. I'd like to be gracious to Alvin because he's coming from a point of faith, kaniyang paniniwala. Totoo 'yung kaniyang paniniwala," ayon kay Tito Boy.

Subalit ayon kay Tito Boy, sumobra na si Alvin sa kaniyang mga sumunod na pahayag—lalo na nang pangalanan at punahin nito ang mga celebrity gaya nina K Brosas, Ian Veneracion, at Gloc-9 dahil sa pagyakap sa kanilang mga anak na LGBTQ+.

"In other words, what he was trying to say is, hindi tama na ini-embrace nila ang kanilang mga LGBT children dahil hindi ‘yan nakasaad sa kautusan ng Diyos. To me, that was an overstretch. To me, that was wrong. To me, doon sumobra si Alvin," sambit ng King of Talk.

Tinawag din niya ang pansin ni Alvin sa tila pagpapataw nito ng sariling estilo ng pagpapalaki ng anak.

"I'd like to call him out dahil ang hindi niya sinabi ang masakit na parang bagang sinasabi ni Alvin na ito ang tamang parenting style. Tama kami dahil hindi namin pinapayagan, hindi namin tinatanggap,” dagdag niya.

“And as opposed to these people who chose to embrace, and will continue to choose, to embrace their children with love, with dignity, with kindness, with compassion. And hindi lamang 'yung mga pinangalanan ni Alvin. Tinamaan din kami at mga maraming pang-tao na pinili ang mahalin ang kanilang mga anak," patuloy niya.

Ibinahagi ni Tito Boy ang kaniyang sariling karanasan sa pagpapalaki ng kaniyang pamangkin na isang lesbian.

“Ako, I raised my own. Ang aking pamangkin is a lesbian. Mabuting tao, masipag, tahimik, disenteng tao. Kaya niya humarap sa Diyos one day. Sabi nga sa ating pinto, pag tinanong ako ng Diyos kung naging mabuting tao ako, kaya kong sabihin, opo. And to me, that's a true measure of humanity,” aniya.

Binigyang-diin din niya na masakit marinig na may iisang estilo lamang ng tamang pagpapalaki ng magulang sa anak.

Mensahe ni Tito Boy kay Alvin, hindi dapat ipinipilit sa iba ang sariling pananampalataya at paniniwala.

“Alvin, you cannot impose your faith. You cannot impose your parenting style. You cannot impose yourself on us. 'Yun sa akin ang sobra,” he said, adding that no one has the right to judge families who choose to embrace their LGBTQ+ children with love and dignity,” saad ni Tito Boy.

"Kung iba ang iyong paniniwala, iba ang iyong faith, sobrang paggalang ko sa iyo. As a matter of fact, pagdating nila dito, I found Izzy really beautiful inside and out. Alvin was so funny. We had a wonderful experience," dagdag niya.

Kinuwestiyon din ng beteranong host ang ideya na mapupunta sa impiyerno ang mga queer o mga magulang na sumusuporta sa kanilang LGBTQ+ na anak.

“Pupunta ba kami sa impiyerno because I am queer? Pupunta ba kami sa impiyerno because I am gay? At pupunta ba ang mga magulang na yumayakap sa kanilang mga anak with love and dignity? Hindi kami pupunta ng impyerno,” ayon kay Tito Boy.

“Because ako, I believe in a God who’s kind. I believe in a God who is compassionate. I believe in a God who is all-understanding. I believe in a God na makikita ang aking kalooban," patuloy niya.

Sa pagtatapos ng kaniyang pahayag, sinipi ni Tito Boy ang sinabi ni St. John of the Cross.

"I'd like to share this with Alvin. Sinabi ni St. John of the Cross, and listen, ako gusto ko ito pakinggan ni Alvin. In the evening of life, we will all be judged on love and love alone,” saad niya. —Jade Veronique Yap/FRJ GMA Integrated News