Isinailalim na sa psychological intervention at psychological check-up ang 14-anyos na babaeng estudyanteng nagpakalat ng banta ng karahasan laban sa isang paaralan sa Leyte.
Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabi Zerah Janette Leysa ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng Tolosa, Leyte, na lumalabas na nakaranas ng pambu-bully ang estudyante Grade 10 simula pa noong nasa Grade 9 siya.
Nakahaharap din umano sa mga suliranin ang kaniyang pamilya, na maaaring nakaapekto sa kaniyang kalagayan.
“Sa family medyo may konting problema, at yung bata nabu-bully din siya… Grade 9 pa lang nabu-bully sa school ng mga classmates,” saad ni Leysa sa GMA Regional TV Balitang Bisdak.
“Iko-continue ko po pag-visit sa family… di lang sa kaníya, pati sa family. Kailangan ma-serve, no, at mabigyan ng karapat-dapat na serbisyo mula LGU… ongoing ang counseling,” dagdag ni Leysa.
Inamin umano ng estudyante na siya ang gumawa ng banta at humingi na rin siya ng paumanhin sa kaniyang mga magulang.
“Nag-amin din siya, nag-sorry din siya po sa parents niya,” ani Leysa. “Hindi lang na hanggang doon lang… up to the last day na siya, itong bata, eh, maka-recover na… maging alerto kami.”
Ito umano ang kauna-unahang pagkakataon na may estudyante sa Tolosa National High School na gumawa ng ganitong uri ng pagbabanta.
Una rito, gumawa ang estudyante ng mga social media account at nag-post ang mga banta ng karahasan na maaaring mangyari sa paaralan.
Kaagad namang kumilos ang mga awtoridad at natukoy ang pinagmulan ng posts hanggang sa naturang estudyante.
Sa kabilang, naghigpit pa rin ng seguridad ang mga awtoridad sa naturang paaralan.
“Still monitoring pa kami sa bata at doon sa school nila. Palagi po kaming may idine-deploy na pulis… mayroon silang security guard sa school together with barangay tanod at kami police presence para ma-prevent natin kung may krimen na mangyayari,” ayon kay Police Capt. Jose Costiniano Jr. ng Tolosa Police Station.
Nangyari ang pagbabanta sa Tolosa HS, ilang araw matapos ang madugong pamamaril ng dalawang estudyanteng edad 14 at 15, sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City noong June 22, 2026, na tatlong estudyante ang nasawi at 11 ang sugatan. – FRJ GMA News

