Patay na at inilibing sa mababaw na hukay ang 27-anyos na dating overseas Filipino worker (OFW) na apat na araw nang nawawala sa General Santos City. Ang bangkay ng biktima, natunton dahil sa masangsang na amoy.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing nahukay ang bangkay ng biktima na nagsisimula nang maagnas sa Barangay Ligaya noong Sabado ng gabi.

Ayon sa mga awtoridad, natagpuan ang bangkay ng biktima matapos iulat ng mga residente ang mabahong amoy na nagmumula sa lugar kung saan ito nakabaon.

Sa imbestigasyon, nakilala ang bangkay na dating OFW sa New Zealand na kalaunan ay naging mangangalakal ng baka, at residente sa Barangay San Isidro. Iniulat na nawawala ang biktima mula pa noong Hunyo 24, 2026.

Natagpuan naman ang motorsiklo ng biktima na iniwan sa Barangay Alegria sa Alabel, Sarangani.

Ayon sa pamilya ng biktima, may dala na mahigit P200,000 ang negosyante nang umalis para bumili ng mga baka mula sa isang online agent na nakatransaksyon niya sa Barangay Ligaya.

Ngunit mula noon ay hindi na siya nakauwi.

Habang hinahanap nila ang biktima, kinausap ng pamilya ang naturang ahente, na nagsabing wala siyang alam sa kinaroroonan ng biktima.

Naglunsad ng hot pursuit operation ang pulisya, na nagtulak sa isang 19-anyos na suspek para sumuko noong gabi ng Linggo.

Makalipas ang dalawang oras, isa pang 19-anyos na suspek ang sumuko, na sinundan naman nitong Lunes ng isa pang suspek na 26-anyos.

Ang isa sa mga sumuko, ang ahente na nauna nang tinanong ng pamilya at nagsabing hindi niya alam kung nasaan ang biktima.

Ayon sa pulisya, inamin ng mga suspek ang ginawang krimen. Minartilyo umano nila sa ulo ang biktima at inilibing.

“Yung nga may transaction sila sa victim, yung nasa area na sila, nag-aantay yung 3rd suspect natin. Inabangan siya bigla siyang pinalo…pinalo ng martilyo,” ayon kay General Santos City Police Station 3 Commander, Police Major Renato Dunca Jr.

Ayon sa pamilya ng biktima, posibleng nagalit ang mga suspek matapos ibawas ng biktima ang natitirang utang ng isa sa kanila mula sa kikitain nito sa pagbebenta ng mga bakang binili ng biktima.

Sinabi ng pulisya na walang nakitang P200,000 sa bangkay ng biktima. Itinanggi rin umano ng mga suspek na may kinuha silang pera mula sa biktima.

Mahaharap sa kaukulang kaso ang mga suspek. – FRJ GMA News