Nakikipag-ugnayan ang tanggapan ni Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan upang sagipin ang ilang overseas Filipino workers (kabilang isang Muntinlupeño) na nakararanas umano ng pagmamaltrato at pang-aabuso sa Thailand.

Sa isang Facebook post ng alkalde, sinabi nito na nakarating sa kaniyang atensyon ang video ng OFW na taga-Muntinlupa na humihingi ng tulong na makauwi sa bansa na biktima rin umano ng human trafficking.

“Kasama ng iba pang migrant workers, sapilitan umano silang pinagtrabaho nang higit 18–20 hours per day, at walang sapat na pagkain at sahod. May allegations din ng physical at sexual abuse,” ayon sa post ni Biazon.

Sinabi ni Biazon na nagbigay siya ng utos sa Public Employment Service Office (PESO) para kausapin ang pamilya ng OFW.

“Agad ding inilapit ang kaso sa Department of Migrant Workers (DMW) para sa proper immediate intervention. Nakikipag-ugnayan na rin ngayon ang Migrant Workers Office sa Bangkok, Thailand sa concerned OFW at sa pamilya,” ayon sa alkalde.

Patuloy din umano ang koordinasyon at pagproseso ng rescue operations para sa mga biktima.

“We'll continue on closely monitoring the situation. Tuloy din ang coordination natin sa DMW hanggang sa ligtas siyang makauwi,” pagtiyak ng alkalde. – FRJ GMA News