Nahuli-cam ang pagnanakaw ng isang lalaking lulong umano sa ilegal na droga sa P2,000 kita ng isang sari-sari store sa Barangay Tambo, Parañaque.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood ang paglapit ng isang lalaki sa tindahan at aktong bumili.
Hinarap naman siya ng tinderong isang stroke patient.
Pagtalikod ng nagtitinda, tila may inapakan ang lalaki, ipinasok ang kaniyang katawan sa maliit na butas ng sari-sari store, at tinangay ang isang maliit na timba na naglalaman ng kita ng tindahan.
Agad umalis ang lalaki.
“Dahil nga po bumabagyo, wala pong delivery ng yelo. ‘Yung cooler po namin nasa labas. So, ang nangyari po noon ay nagpanggap lang po siya na bumibili. Tapos pagtalikod po ng papa ko, dinukot na po niya agad ‘yung pinaglalagyan po namin ng pera na sa tantiya po namin nasa mga P1,000 or P2,000 po mahigit dahil sa mga barya-bariya nga,” sabi ng biktimang si Grace Sanchez.
Dumulog ang pamilya sa Barangay Tambo para ipa-blotter ang pagnanakaw.
Sa tulong ng CCTV footage, natukoy nila ang pagkakakilanlan ng suspek na nakatira rin sa Barangay Tambo.
“Nanakawan siya ng bata doon sa tindahan. Pumunta doon ‘yung ating mga tanod para mapuntahan doon sa bahay. Ang alam ko, hindi siya nakita doon sa bahay kasi nagtatago,” sabi ni Kagawad Darwin Morit ng Barangay Tambo.
Nakipag-ugnayan sa pamilya ng suspek ang mga biktima. Hindi na sila magsasampa ng kaso pero may pakiusap sila.
“Nakausap namin 'yung magulang kasi ang sabi, kung kakasuhan, tinanong namin 'yung ninakawan kung kakasuhan pa, hindi na daw sila magkakaso pero kailangan iparehab 'yung bata kasi siguro nalulong sa illegal drugs. Nakausap namin 'yung magulang, ipapa-rehab,” sabi ni Morit. — Jamil Santos/RSJ GMA News
