Sinabuyan at pinainom umano ng bleach ng isang ginang ang kalaguyo ng mister nito matapos mahuling magkasama ang dalawa sa iisang kwarto sa isang resort sa Caoayan, Ilocos Sur.
Ayon sa ulat ni CJ Torrida ng GMA Dagupan sa "24 Oras" nitong Lunes, pinainom ni Geshiel Reyna ang kinakasama ng mister na si Catyrina Domingo matapos niyang mahuli niya ito sa akto.
Naamoy na aniya ng mga imbestigador ang bleach pagpasok palang nito sa kwarto kung saan natagpuan si Domingo na naghihilamos sa palikuran.
"Pagpasok nung isang pulis woman natin naamoy na niya yung (bleep) sa loob ng kuwarto. Kaya nung hinanap niya yung biktima, nandun siya sa isang banyo at naghilamos kasi mainit na daw yung katawan dahil sa sinabuyan ng alleged na (bleep),” ani Caoayan Police chief Sr. Insp. Federico Artates.
Itinanggi naman ni Reyna ang mga paratang at sinabing siya ang unang nasabuyan ni Domingo.
"Sa totoo lang hindi sa akin yung bleach, ako yung unang sinabuyan tapos kasi aware siya na siya yung kabit kaya lagi niyang dala yung spray na yun. Which is akala nung asawa ko alcohol pero asido pala,” ani Reyna.
Dati na rin daw umamin ang dalawang magkaluguyo tungkol sa kanilang relasyon.
Ayon kay Reyna, matibay daw ang kaniyang ebidensya laban sa kaniyang mister at kay Domingo, kabilang sana ang cellphone video kung saan huli sa aktong nagtatalik ang dalawa ngunit naagaw ng kalaguyo ang naturang cellphone at nabura ang video.
Pinakita rin ni Reyna ang kaniyang mga pasa at punit na damit dulot umano ng pagtatagpo nila ni Domingo.
“Frustrated murder ang isasampa nating kaso kasi andun yung elements ng poisoning," ayon sa pulis.
Magsasampa rin ng kasong concubinage si Reyna laban kina Jayson at Domingo.
Tumanggi ang dalawang suspek na magbigay ng pahayag kaugnay sa isyu. —Joseph Tristan Roxas/JST, GMA News
