Talagang hindi maitatago ang kilig sa real-life couple at 'I Heart Davao' main stars Tom Rodriguez at Carla Abellana.

Sa ulat ng Unang Hirit nitong Martes, inihayag ng dalawa kung gaano sila kalambing at gaano nila kakilala ang isa't isa.

"Hindi pangit pero may hilik," ani Carla habang ginagaya ang pagtulog ni Tom. Samantalang kwento naman ni Tom, nahuli raw niya si Carla nakanganga habang natutulog sa isang train.

Pagdating naman sa pagkainis, umamin ang dalawa na pareho silang nagdadabog at parang hindi namamansin.

Sinabi ni Carla na sinasandalan siya ni Tom sabay sasabihing "You're so beautiful!" kapag naglalambing.

"Kakaiba talaga 'yung mga gestures niya eh, iba talaga eh. Hindi lang puro salita. Ipaparamdam niya talaga sa'yo," anang aktres.

Ayon kay Tom, kitang-kita ng mga kasama nila sa "I Heart Davao" kung paanong malambing ang aktres sa kanya dahil mahilig niyang punasan ang pawis ni Tom.

Abangan ang TomCar gabi-gabi sa "I Heart Davao" sa GMA Telebabad. —Jamil Santos/ALG/KVD, GMA News