Dalawang guro sa Zamboanga del Sur ang inireklamo dahil sa magkahiwalay na insidente ng pananakit umano sa kanilang estudyante. Itinanggi naman ng mga guro ang paratang laban sa kanila.

Sa "Balitanghali" report ni Steve Dailisan nitong Martes, sinabing posibleng maharap sa reklamong child abuse ang gurong si Virgie delos Reyes ng Zamboanga Central School.

Ayon sa reklamo ng ama ng 12-anyos na estudyanteng lalaki, pinukpok daw ng guro sa ulo ang kaniyang anak gamit ang gunting.

Dahil sa pagpukpok, namaga raw ang ulo ng bata at ipinakita ng mga magulang ang medical certificate na ibinigay ng ospital.

Sinasabing nagalit daw ang guro dahil sinapak ng estudyante ang kaklase niyang babae na nang-aalaska sa kanya.

Pero mariing itinanggi ni delos Reyes ang akusasyon.

"Wala sir, hindi totoo 'yang bintang. Tinangka kong pukpukin ang ulo pero tangka lang iyon," pahayag ng guro.

Samantala, matinding takot naman daw ang iniinda ng 15-anyos na lalaking estudyante ng Maria Clara Lobregat National High School sa Dumalinao, Zamboanga del Sur, matapos sampalin umano ng dalawang beses ng gurong si Florentino Casera.

Ayon sa mag-aaral, nagalit daw si Casera nang puntahan niya at palabasin ang isang kaibigan sa classroom.

Dagdag pa ng mag-aaral, sinigawan daw siya ng guro, nilapitan at dalawang beses na sinampal.

"Nalaman lang po namin sir na 'yun pala ang sinapit ng aking anak. Sinampal pala ng guro na si Florentino Casera. Hindi ko matanggap sir kasi masakit," pahayag ng ina ng biktima, na nais sampahan ng reklamo ang guro.

Ngunit paliwanag ni Casera , hindi niya sinampal ang estudyante na nang-istorbo raw sa kaniyang klase.

"Para sa kaalaman ng lahat, hindi naman po totoo na sinampal ko 'yung estudyante. Kasi nang-iistorbo siya sa klase ko. Tinawag niya 'yung estudyante ko habang ako ay nagkaklase. Tanong ako nang tanong, hindi naman siya sumasagot, kaya nga 'yung dalawang daliri ko ginanu'n ko lang sa kaniyang mukha," paliwanag niya.

Kinabukasan, ipinatawag ang estudyante ng head teacher ng paaralan na misis ni Casera, at pinagsabihan diumano na lumipat ng ibang eskwelahan.

Ipinablotter na ng ina ng biktima ang insidente at pinag-aaralan na rin ang pagsasampa ng reklamong physical injury laban kay Casera.-- Jamil Santos/FRJ/KVD, GMA News