Patay sa pamamaril ng magkaangkas na mga salarin ang board chairman ng Luzon Media Association (LMA) noong Sabado ng gabi, ayon sa ulat sa telebisyon nitong Linggo ng hapon.
Sa ulat ng "News TV Live" kinilala ang biktima na si Manuel Gabriel Lacsamana, 51, isang negosyante at chairman ng LMA, Nueva Ecija Chapter at residente ng Sitio Magpulog ng Barangay Bitas ng Cabanatuan City.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, binabaybay ng biktima ang kahabaan ng Mabini Street sa boundary ng Barangay Quezon District sa Cabanatuan City bandang 11:40 ng gabi, ayon kay GMA News stinger Junjun Sy.
Pauwi na sana si Lacsama sakay ng kaniyang pulang pick-up (NI-0836), nang biglang may nag-overtake na isang motorsiklo lulan ang dalawang suspek at pinagbabaril ang biktima.
Bumangga pa sa ang sasakyan ni Lacsamana isang nakaparadang SUV sa harap ng isang law office.
Tumakas agad ang mga suspek matapos ang pamamaril, patungo sa direksyon ng Mabini Extension.
Naitakbo pa sa ospital ang biktima ngunit hindi na ito umabot na buhay.
Dalawang tama ng bala ang tinamo ni Lacsamana, isa sa kaliwang tainga na tumagos sa mukha, at ang isa sa kaniyang kaliwang kamay.
Narekober ng mga awtoridad sa crime scene ang siyam na basyo ng bala ng cal.-.45 na baril.
Hindi na nagpaunlak ng panayam sa media ang mga pulis dahil patuloy pang iniimbestigahan ang krimen.
Maging ang mga kamag-anak ng biktima ay hindi pa makausap dahil emosyunal pa rin hanggang sa mga ito.
Tinutugis na ng mga pulis-Cabanatuan ang mga suspek. —LBG, GMA News
