Isang rider ng motorsiklo ang namatay matapos banggain ng isa pang motorsiklo at sumalpok sa trak sa Commonwealth Avenue, Quezon City.
Ayon sa ulat sa "Quick Response Team," isang motorsiklo na may tatlong sakay ang nag-overtake sa isang sasakyan. Sa sobrang bilis nito, nabundol nito ang isa pang motor na sakay ang biktima.
Pagkatapos mabundol, tumama ang motor sa truck at tumilapon ang nagmamanehong rider sa kalsada na naging sanhi ng kanyang pagmakamatay.
Walang suot na helmet ang namatay na rider pati na rin ang tatlong sakay ng motor na nakabangga sa kanya. Tumakas ang tatlo matapos ang insidente.
Samantala, wala ring suot na helmet ang dalawang rider ng isang motorsiklo sa Marcos Highway nang bumangga sila sa isang SUV.
Kritikal ngayon ang driver ng motorsiklo sa ospital, ngunit ligtas naman ang kanyang angkas kahit ito ay napadapa sa kalsada dahil sa aksidente.
Nai-report ang insidente sa pulisya at nagpunta rin sa presinto ang driver ng SUV na nabangga ng motor, ngunit walang nagsampa ng reklamo. — Llanesca Panti/ LDF, GMA News
