Tatlong bangkay ng lalaki ang natagpuang naaagnas na sa isang bangin sa Bukidnon, ayon sa ulat ni RGil Relator ng RTV One Mindanao sa "Balita Pilipinas Ngayon."
Natagpuan ng isang residente ang mga bangkay sa damuhang bahagi ng bangin sa Brgy. Sta. Ines sa bayan ng Malitbog.
May mga tama ng bala sa ulo ang mga biktima na kinilalang sina Vincent Vimen, 24, Clifford Abales, 21 at Don Remar Andales, 22.
“Base sa crime investigation natin, patay nang natagpuan ang tatlo at nasa state of decomposition na, inuuod na,” sabi ng hepe ng Malitbog Police, Chief Inspector Huber Tirol.
Hindi naman matanggap ng mga kaanak ng mga biktima ang sinapit ng tatlo.
“Kahit tingnan pa nila ang record ng barangay at police station, walang record yang kapatid ko. Hindi ko matanggap na ganyan lang kadali nilang pinatay,” sabi ng kapatid ng isa sa mga biktima.
Ayon din sa kanya, noong Linggo pa nila hinahanap ang tatlo matapos daw maimbitahan ng mga umano'y pulis ng Tagoloan Police Station.
“Pagkatapos nilang imbitahan, missing na sila agad. Paano mangyayaring isinakay na sila sa tricycle, yun pala ay itinapon na sila sa Malitbog? ”
Kinumpirma naman ng Tagoloan Police na inimbitahan nga nila sa presinto ang tatlo pero hindi na raw nila alam ang nangyari sa mga ito nang kanilang pauwiin agad.
“Pagkatapos natin silang imbitahan at nalamang wala silang kaugnayan agad natin silang pinauwi,” sabi ng hepe ng Tagoloan Police, Senior Inspector Allan Oniana.
Kalalaya lang sa kulungan ng isa sa mga biktima na si Andales dahil sa kasong robbery.
Tingin ng pulisya, may ibang grupo ng mga kriminal na nasa likod ng pagpatay sa tatlong biktima.
“Posibleng pinagduduhan sila na ikinanta na nila ang mga suspek kaya sila pinatay,” sabi ni Oniana.
May mga suspek na raw ang mga kaanak ng mga biktima.
“Handa kaming mga pulis na tumulong. Kung wala silang tiwala sa Tagoloan Police Station, pwede silang lumapit sa Provincial Director, puwede rin sa region,” sabi ng tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO) 10 na si Police Superintendent Surki Sereñas.
Magsasagawa naman ng sariling imbestigasyon ang PRO 10 at ipinangakong wala silang pagtatakpan sa krimen. — Joviland Rita/ LDF, GMA News
