Isang recruitment agency ang pinagmulta sa Saudi Arabia matapos akusahang mangkukulam ang isang OFW na na-deploy nito bilang kasambahay.
Ayon sa liaison officer ng ahensiya, nagbayad sila ng 50,000 SAR para hindi masuspinde ang kanilang operasyon at para hindi rin makulong ang kasambahay.
"Pinadalhan kami ng letter dahil ang employer ni worker ay nagpunta sa Maktab al Amal (labor office) dala ang mga ebidensya," anang liaison officer sa panayam ng GMA News.
"Sabi ng labor office ang gusto ng employer ay ipapakulong si worker within two years and suspended ang aming agency na hindi kami puwedeng makapag-deploy dahil ang sabi ng employer ang tao daw namin ay mangkukulam, nagdadala ng mga bawal sa Saudi."
Ayon sa liaison officer, nagsumbong ang employer ng 23-taon-gulang na OFW sa Ministry of Labor at inakusahang magkukulam ang Pilipina dahil sa mga ebidensiya umanong nakuha mula sa mga gamit nito.
Ayon naman kay Assistant Labor Attache Germie Daytoc, ilan sa mga itinuturong ebidensiya ng employer ay "habak" na isa umanong anting-anting, maliit na garapon na may lamang langis, isang krus, at isang dilaw na papel kung saan nakasulat daw ang pangalan ng employer.
Samantala, todo tanggi naman ang OFW na isa siyang mangkukulam.
"Hindi naman po ako mangkukulam," anang OFW, na wala raw intensiyong iba nang isulat niya ang pangalan ng kanyang employer sa isang papel at isilid sa kanyang bag.
Ayon kay Daytoc, isang krimen sa Saudi Arabia ang pangkukulam. Ipinagbabawal din dito ang pagdadala ng mga bagay tulad ng mga nakita sa mga gamit ng OFW.
"Huwag kayo magdala ng mga items tulad ng anting-anting. Huwag kayo magdala ng crucifix kahit tayo ay may maigting na paniniwala dahil bawal yan dito sa lugar na ating pinuntahan," sabi ni Daytoc.
"Dapat respetuhin natin ang kultura nila, ang paniniwala nila, dahil bago tayo magpunta dito ay kasama yan sa orientation na ginagawa sa Pilipinas," dagdag pa niya. —KBK, GMA News
