Nabalot ng tensyon ang ilang kalye sa Baclaran nang sitahin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga nagtitinda sa bangketa.
Sa ulat ni Luisito Santos sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, pinuna ni Colonel Memel Roxas ng Task Force Special Operation Bravo ang mga panindang nakalagpas na sa bangketa sa bahagi ng Taft Avenue
Galit na nakipagsagutan ang ilang tindera at iginiit na kasama sa nirerentahan nilang puwesto ang parteng iyon ng sidewalk.
Pinagpuputol din ng MMDA ang mga iligal na koneksyon ng kuryenteng ginagamit ng mga nagtitinda sa ilalim ng LRT Baclaran station.
Bukod dito, kinumpiska rin sa clearing operation ang mga paninda at kagamitang nakaharang sa daanan ng tao tulad ng mga kaha ng softdrinks at cooler.
Pinagsabihan at pinaglinis naman ang mga nagtitinda sa bahagi ng Redemptorist Road dahil sa mga nakakalat na basura at upos ng sigarilyo.
Pinapatay rin ang maiingay na sound system na nakaaabala umano sa mga nagsisimba sa Baclaran.
Walang naipakitang dokumento ang mga sinitang nagtitinda sa bangketa kaya't tuloy-tuloy ang pagbaklas ng MMDA sa mga iligal na pwesto. —Dona Magsino/LBG, GMA News
