Sa kanilang pag-uwi sa Pilipinas, sinalubong nang mahigpit na yakap na may kasamang halik at luha mula sa kani-kanilang mahal sa buhay ang pitong overseas Filipino workers na napawalang-sala sa kasong oil smuggling sa Libya.

Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabing dumating sa bansa nitong Martes ng gabi ang mga OFW na sina Captain Arthur Taleno, First Officer Fulgencio Eulogio, Second Officer Claro Allera, Third Officer Abraham Naduma, Chief Engineer Ronnie Moniva, Second Engr. Gil Cruzada, at Third Engr. Aldwin Emperada.

Bukod sa kanilang mga kaanak, kasamang sumalubong sa mga OFW ang ilang opisyal ng gobyerno.

Agosto 2017 nang hulihin ang pitong OFW ng Libyan Coast Guard dahil matapos silang paghinaaan na nag-i-smuggle ng milyon-milyong litro ng langis.

Hinatulan sila ng apat na taong pagkakakulong pero inabsuwelto sila ng Libyan High Court noong Pebrero 28.

"The government of Libya because of the speedy disposition of this case and the ultimate release of our brothers who had been there for quite a time. It's something because one thing they are acquitted, they are not responsible for any crime, they can go again to any country in this world," sabi ni  Secretary Abdullah Mamao, Presidential Adviser on Overseas Filipino Workers Affairs.

Labis naman ang pasasalamat ng mga OFW at kani-kanilang pamilya sa tulong na ibinigay sa kanila ng gobyerno.

Pero sabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa mga OFW, ang kani-kanilang asawa ang dapat nilang pasalamatan.

"Kung hindi sa kanila hindi kayo makakalabas, maniwala kayo sa amin. Kaya 'wag na 'wag niyong pabayaan ang mga asawa niyo, mahalin niyo 'yan," payo ng kalihim sa mga OFW.-- FRJ, GMA News