Isa ang patay at 12 naman ang sugatan nang umarangka ang isang SUV at pumasok  sa palaruan ng isang mall sa Carmona, Cavite nitong Miyerkules.


 

Ayon sa ulat ni Jamie Santos sa "State of the Nation with Jessica Soho," ikinuwento ng driver ng SUV na si Rosendo Mamucod na nakaidlip siya sa loob ng sasakyan habang hinihintay ang asawa na bumibili ng gamot.

Nang nagising, umarangkada na ang sasakyan at tuluyang pumasok sa loob ng palaruan na may mga tao, kabilang ang mga menor de edad.

Ayon naman kay Police Major Rommel Carcellar, hepe ng Carmona PNP, nakikipag-ugnayan na sila sa pamunuan ng mall kaugnay sa isinasagawang imbestigasyon.

"Nakapag-request na kami ng CCTV footage ng mall para at least malinawan din natin kung totoo talaga na suddenly nag-accelerate," sabi ng pulis.

Nasabi din daw ng doktor na head injury ang ikinamatay ng isang biktima.

Itinakbo naman sa Carmona Hospital ang 12 na nasugatan sa insidente, kabilang ang limang menor de edad.

Dinala rin sa ospital si Mamucod dahil tumaas ang kaniyang blood pressure.

Ilang buwan pa lang daw nakapag-recover mula sa stroke ang driver.

Inaayos na daw ng Carmona police ang mga kasong isasampa laban sa kaniya.-- FRJ, GMA News