Isang buntis ang humandusay sa kalsada matapos siyang mahulog mula sa sinasakyan niyang tricycle nang bumangga ito sa isang nakatigil na truck sa Caloocan. Ang driver ng tricycle, nawalan ng malay matapos humampas ang ulo sa windshield.

Sa ulat ni Darlene Cay  sa GMA news TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabi ng ilang saksi na mabilis ang takbo ng tricycle nang bumangga sa truck sa Zapote Road sa Camarin, North Caloocan.

Ayon kay Jasper Urbano, driver ng truck, sandali siyang tumigil para magmaniobra sa gagawing pagparada.

"Naka-park lang po ako maam. Tapos nagulat ako ang bilis ng takbo. Nagulat nga po ako, nagulantang ako e. Papasok po kasi ako dito. Ang bilis niya maam, ang dami naman po nakakita," paliwanag niya.

Nabasag ang windshield ng tricycle kung saan tumama ang ulo ng driver at nawasak din ang unahang bahagi ng tricycle.

Kinailangan munang paghiwalayin ang tricycle at truck para matanggal sa pagkakaipit ang driver.

Nilapatan ng paunang lunas ang tricycle driver at ang buntis na pasahero nito bago dalhin sa ospital.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga biktima at patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa aksidente. --FRJ, GMA News