Dahil sa kahirapan, Grade 5 lang ang natapos ng mangingisdang si Tatay Jovelito Lantayona pero napupunan na ngayon ang kaniyang edukasyon dahil sa kusang-loob niya sa Alternative Learning System (ALS). Ang determinasyon niyang matuto, nasasamahan ng pagmamahal ng kaniyang anak na tinuturuan siyang magbasa at magsulat.
Sa programang "Front Row," itinampok ang pagiging "busero" ni Mang Jovelito kung saan nagpapalaki siya ng bangus at nag-aayos ng mga lambat sa palaisdaan.
Mapalad naman ang kanilang lugar dahil may mga ALS Mobile Teachers sa kanilang lugar kung saan tinuturuan ang mga hindi nakapag-aral ng Basic Literacy Program.
Nag-aaral ngayon si Tatay Jovelito para mapunan ang kaniyang karunungan, at hinihikayat sila ng kanilang guro na magpaturo sa asawa o anak nilang nakapag-aral.
Buong pagmamahal namang tinuturuan ni Pearl Joy Lantayona, anak ni Mang Jovelito, ang kaniyang tatay.
"Alam kong hindi siya marunong kaya naisip kong turuan siya na magbasa at magsulat... Hindi po ako nahihiya na hindi marunong magbasa at magsulat ang tatay ko kasi kahit paano nagtatrabaho siya, nagsusumikap pa rin siya para sa aming dalawa na magkapatid," sabi ni Pearl Joy.
Panoorin ang kanilang kuwento. —Jamil Santos/LDF, GMA News
