Dahil sa parehong maganda, maputi at seksi, marami ang nagkukumpara sa "Bubble Gang" newbie na si Faye Lorenzo sa kapwa niya ka-Bubble na si Kim Domingo.
Sa isang video ng GMA Network, sinabi ni Faye na walang problema at flattered siya na ikumpara kay Kim na kaniya raw idolo.
"Siyempre nakaka-proud 'yon," masayang sabi ni Faye. "Hello idol ko din 'yun si Kim. Siyempre kapatid ko din siya sa manager, kaibigan ko pa siya tapos nako-compare ako sa kaniya na idol ko siya. Siyempre nakaka-flatter 'yun sa akin."
Katunayan, sinabi ni Faye na nakatanggap din siya ng payo sa kaniyang idol nang pasukin niya ang showbiz.
"Tinuturuan nga niya ako pagdating sa mga kunwari, audition, ganiyan. Mabait 'yan, ipinagpe-pray pa nga ako niyan. Tapos sinasabi niya lagi, 'Be yourself, 'wag kang kabahan, ipakita mo lang kung ano ka,'" kuwento ni Faye.
Inihayag din ni Faye ang kasiyahan na maging bahagi ng "Bubble Gang" at makatrabaho ang iba pang cast doon, kabilang na si comedy genius Michael V.--FRJ, GMA News
