Nilinaw ni Manila Mayor Isko Moreno kay Kuya Willie Revillame na wala siyang pinatatamaang sinoman nang ihayag niya ang kaniyang saloobin kamakailan sa gitna ng COVID-19 crisis.
"The President, Vice President, secretaries, governors, mayors, vice mayors, vice governors, kumbaga lahat kami pa. Wala naman tayong specific na bahagi ng pamahalaan," saad ni Mayor Moreno sa "Tutok To Win."
"Ang gusto ko lang, ang pangarap ko lang bilang Pilipino, I'm speaking as a Filipino, not only as a mayor of the city, the people are expecting from us na, halika, upo muna tayo, usap-usap muna tayo. Saka na lang tayo mag-back to business politics, imbes na hanapin natin ang butas ng isa sa kaniyang kamalian, sa kaniyang kakulangan," pagpapatuloy ng alkalde ng Maynila.
Para kay Moreno, wala raw tao na may tama at takdang solusyon sa krisis ng COVID-19, dahil maging ibang bansa ay lugmok din tulad ng Estados Unidos, Japan, Korea, China, at iba pang matatayog na bansa.
"They will not come to us 'pag lumala ang sitwasyon natin because they have their own problem," ani Moreno.
Sa kanilang pag-uusap, naisip ni Kuya Wil na bumuo ng organisasyon na kinabibilangan niya, ni Mayor Isko Moreno at Senator Manny Pacquiao.
"Alam mo pagpunta ko diyan hihingi ako ng meeting. Ikaw, senator Manny Pacquiao at 'yung mga bata pang mga mayors, gusto kong magkaroon tayo ng organisasyon, tutulungan ko kayo. Tutulong ako in my own way. Totoo 'yan," sabi ni Kuya Wil.
"Hindi ko iisipin dito anong halaga. Kahit anong mangyari mayor basta, willingly ito, nanggaling sa puso, walang kapalit ito," dagdag pa ni Kuya Wil.
Sa kaniyang address nitong Huwebes, hinikayat ni Moreno ang lahat ng mga lider ng bansa, maka-administrasyon man o oposisyon na isantabi muna ang mga pagkakaiba.
Nagbigay siya ng hamon sa mga politiko na i-donate ang kanilang mga suweldo at ipakita ang kanilang malasakit.
"Hinihikayat ko kayo, tutal magagaling kayo, i-donate niyo lahat ng sweldo ninyo, lahat ng kakayanan ninyo, ngayon niyo ipakita ang tulong sa tao. Walang magaling dito. Walang mahusay sa laban na ito. Paulit-ulit kong sinasabi wag na kayong lumayo sa pagkukumpara."
"Mga senador, 24 lang kayo, mga sekretaryo, mga pulitikong katulad ko. Ngayon niyo pakita, ngayon natin ipakita, ipakita niyo ang pagmamahal niyo sa Pilipino," dagdag pa ni Moreno.
Tinugunan ito nina Senate President Tito Sotto at Panfilo Lacson, na parehong sinabing nanggaling sa Senado ang mungkahi na magkaroon ng special session para pag-usapan ang ibibigay na financial aid sa mga Pilipino. — Jamil Santos/DVM, GMA News
Mayor Isko Moreno, nilinaw kay Kuya Wil na wala siyang partikular na pinatatamaang politiko sa kaniyang hamon
Abril 4, 2020 11:54pm GMT+08:00
