Sobrang takot ang naramdaman ni Carmina Villarroel nang magpa-swab test ang kanilang pamilya sa kanilang bahay.
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing nagpa-swab test ang buong pamilya ni Carmina bilang paghahanda sa endorsement shoot ng kaniyang mga anak na sina Mavy at Cassy.
Ayon sa ulat, namumutla sa takot si Carmina at hindi raw nakatulog isang araw bago gawin ang swab test.
Pinapakalma naman si Carmina ng kaniyang mga anak at pati na ng mister na si Zoren Legaspi.
"Ngayon alam na ng mga tao kung gaano ako kaduwag," sabi ni Carmina nang ibahagi niya ang kaniyang karanasahan sa vlog.
Hindi naman maiwasan ni Zoren na magtaka kung bakit ganun na lang ang takot ng kaniyang asawa sa swab test gayung kaya naman nitong tiisin ang ibang mas masakit na procedure.
"Hindi ako natatakot sa injection, hindi ako natatakot sa bunot ng ngipin," giit ng aktres.
Matapos na ilang beses maudlot, natuloy din ang swab test kung saan may ipinasok na bagay sa ilong ng aktres.
Nagpalakpakan ang mga kasama niya sa bahay at napayakap ang aktres kay Zoren.
Natawa naman sina Mavy at Cassy sa naging reaksyon ng kanilang ina sa swab test.
"Before the swab even happened nag-tear up siya," anang kambal. "We found it funny kasi parang naging bata si mommy." —FRJ, GMA News

