Sumuko ang isang 18-anyos na tricycle driver na hindi makakain at makatulog matapos takbuhan umano ang nasawing motorcycle rider na kaniyang nakabangga sa Bagong Silang, Caloocan City.
Sa ulat ni Mai Bermudez sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, kinilala ang tricycle driver na si Sam Villanueva na sumuko Biyernes ng gabi sa pulisya.
Si Villanueva ang nagmamaneho ng tricycle na nakasalubong at nakabangga sa motorcycle rider na si Jamie Santiago III sa Langit Road ng nasabing lugar Martes ng gabi.
Dead on the spot si Santiago na tinakbuhan umano ni Villanueva.
"Humihingi po ako ng pasensiya, kapatawaran po. Aksidente po 'yung nangyari, hindi ko po inaasahan na ganu'n po," sabi ni Villanueva.
Nagtago si Villanueva ng tatlong araw bago nagdesisyon na sumuko dahil hindi na umano siya makakain at makatulog, at dahil na rin sa pagsunod sa payo ng kaniyang ina.
"Masakit po kasi gusto ko ring 'pag Pasko na maganda ang kalagayan niya. Tanggap naman po namin kahit makulong po siya basta ma-surrender lang po, ayoko pong mapahamak po siya eh kasi may sakit po siya sa puso," sabi ni Catherine, ina ng suspek.
Nakatanggap ng mga banta umano ang suspek mula sa pamilya ng biktima, kaya natakot siyang humarap sa mga awtoridad at sumuko.
"Ang sabi i-surrender daw 'yung anak kung hindi, [dadalhin] daw sa korte," sabi ng ina ng suspek.
Inihahanda na ng pulisya ang reklamong reckless imprudence resulting in homicide at abandonment of persons in danger and abandonment of one's own victim sa ilalim ng Revised Penal Code laban kay Villanueva. — Jamil Santos/VBL, GMA News
