Nasawi ang isang babae na angkas ng motorsiklo matapos pumailalim sa dump truck na nakasagi sa kanila sa Quezon City. Sa Majayjay, Laguna naman, patay din ang isang rider at angkas nito nang pumailalim sa truck ng gulay.

Sa ulat ni Bam Alegre sa Balitanghali nitong Biyernes, makikita na humandusay sa kanto ng EDSA at East Avenue ang babaeng biktima nang mangyari ang insidente pasado hatinggabi.

Dead on the spot ang babaeng biktima nang magulungan ng nakaaksidenteng truck, habang ligtas ang rider ng motorsiklo na ama ng biktima.

Hiniling ng mga kamag-anak ng biktima na huwag nang pangalanan ang nasawi.

Nagdire-diretso ang driver ng dump truck matapos mabangga ang mga biktima, pero may isang rider na nagmagandang loob na humabol sa sasakyan.

Inabutan ang dump truck malapit sa East Avenue Medical Center, kung saan dito na rin nakorner ng MMDA at mga pulis ang driver na kinilalang si Mercado Fernando.

Hindi nagbigay ng pahayag ang suspek na hawak na ng Quezon City Police District traffic bureau.

Samantala, nasawi rin ang isang rider at angkas nito sa Majayjay, Laguna matapos pumailalim sa truck ng gulay na nawalan ng preno.

Tumaob ang truck na galing ng Quezon, kaya naipit ang katawan ng dalawang biktima.

Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek na kinilalang si Rolando Racelis, na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in double homicide and damage to properties. — Jamil Santos/VBL, GMA News