Hindi na lang sa bote o in can maiinom ang beer, matapos maimbento ng isang brewery sa Neuzelle, Germany ang powdered beer na parang gatas o iced tea na naititimpla sa tubig.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, sinabing puwede nang makalikha ng isang pint ng lager na pilsner sa ilang kutsara lamang ng beer powder.

Kuha pa rin ng powdered beer ang tunay na lasa ng beer at signature foam nito.

Sinabi ng kumpanyang gumagawa nito na layon nilang mabawasan ang carbon footprint mula sa mga beer export, dahil hindi na kakailanganing gumawa ng mga bote, lata at crates para sa powdered beer. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News