Nagsasagawa ng imbestigasyon ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) kaugnay ng paghawak ng dalawang lalaki sa mga tarsier sa Polomok, South Cotabato na umani ng batikos sa social media.
Ang mga vlogger, dumepensang inilipat lamang nila ng lugar ang mga hayop.
Sa ulat ni Abbey Conde Caballero ng GMA Regional TV One Mindanao na iniulat din sa 24 Oras nitong Miyerkules, mapapanood ang vlog ng dalawang lalaki na tila tuwang-tuwa matapos dakmain ang dalawang tarsier sa Barangay Maligo.
Gayunman, hindi ikinatuwa ng ilang netizens ang viral video.
Nakapanayam ng GMA Regional TV One Mindanao ang isa sa magpinsang dumakma sa tarsier, at sinabing inilipat lamang nila ang mga ito dahil nililinis nila ang bahagi ng taniman ng kanilang kaanak kung saan nakita ang mga tarsier.
"Malapit namin silang matamaan ng bolo. Sabi ko… 'Kunin na lang natin, i-transfer natin sa ibang area.' Kinuha namin, walang isang oras, nailipat na," sabi ng isa sa mga dumakma sa tarsier.
Matapos nito, pinakawalan din umano ang mga tarsier, base sa in-upload na rin nilang video.
Nabasa ng lalaki ang mga negatibong komento sa social media.
"Humihingi ako ng tawad sa mga nangba-bash kung para sa inyo mali ang ginawa ko. Pero para sa akin tama ang ginawa ko kasi kung hinayaan ko lang sila roon, wala na silang matitirahan," sabi ng isa sa mga dumakma sa tarsier.
Iniimbestigahan ng DENR Soccsksargen ang insidente habang tinatalakay nito ang mga magiging susunod na hakbang. — VDV, GMA Integrated News
