Patay ang isang motorcycle rider matapos siyang sumalpok sa center island sa Sampaloc, Manila—at nahulicam rin ang pagtangay ng isang lalaki sa mga gamit ng biktima.

Ayon sa ulat ni EJ Gomez sa 24 Oras Weekend, nangyari ang insidente pasado 12 a.m. ng madaling araw ng Linggo. Makikita sa CCTV ng Barangay 410, Zone 42 na mabilis ang takbo ng motorsiklo nang tumama ito sa kongkretong island.

Nagtamo ng matinding injuries sa ulo at iba pang parte ng katawan ang rider. "Wala kaming nakitang sign of life talaga," ani emergency medical technician Nestor Andrew So Aselrit. "Pagdating namin actually walang helmet na nakasuot."

Ayon sa kanyang pamilya, isang call center agent na pauwi na galing sa trabaho ang biktima.

Ayon sa barangay, pinagnakawan rin ang rider. Huli sa CCTV ang isang lalaki na lumapit sa pinangyarihan ng insidente at dinampot ang mga nagkalat na gamit ng biktima. Ayon sa pamilya, kabilang sa mga ninakaw na gamit ang cellphone ng rider. — BM, GMA Integrated News