Nagmistulang camping site dahil sa dami ng mga nakalatag na tent ang bahaging iyan ng Quirino Grandstand sa Maynila pasado 12 ng hatinggabi kanina.

Yan ay kahit tinapos na nang maaga ang sana’y three-day rally ng Iglesia ni Cristo.

Naabutan ng GMA Integrated News ang isang pamilyang na nagluluto pa at nag pi-picnic. Taga-Tondo lang raw sila pero dito na sila magpapalipas ng gabi. Bonding na rin umano kasi nila ito.

“Wala lang kasi parang masaya lang ganon, parang nagkakasiyahan lang, oo susulitin din,” sabi ni Marilou Maravilla.

“Marami pa rin naman kaming mga kasama na hindi sumabay sa dami ng daloy ng traffic kaya ‘yung iba, nagpa-stay na rin sila para sa madaling araw, hindi siya masyadong ma traffic,” dagdag niya.

Ang isang pamilya naman ay galing pa ng Cagayan Valley at dumating sa Maynila noong Linggo ng umaga.

Hinihintay na lang daw nila ang sasakyan na magsusundo para makauwi na rin sila lalo at matagal rin ang kanilang biyahe.

“Depende po sa traffic kung walang traffic po, nasa 14 to 15 hours po,” sagot ni Judilyn Javier nang tanungin kung gaano katagal ang kanilang biyahe pabalik ng probinsya.

“Super worth it po ‘yung pagbiyahe namin papunta dito, worth it naman po,” sabi niya.

Ayon sa tagapagsalita ng INC na si Edwil Zabala, hindi na nila kailangan ng tatlong araw para makamit ang kanilang layunin at maipaabot ang kanilang panawagan para sa transparency at maayos na gobyerno.

Batay sa pinakahuling datos ng Manila Police District, umabot sa 550,000 ang crowd estimate bandang 8 kagabi.

Agad din namang dumating ang truck na naghakot ng mga basura kaya hindi na rin makalat sa bahagi ng grandstand.

Bagaman tapos na ang rally, sarado pa rin ang bahagi ng Roxas Boulevard at nakabarikada pa rin ang bahagi ng Ayala Boulevard na malapit sa lugar, gayundin ang bahagi ng Recto Avenue papunta ng Mendiola.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuha ang pahayag ng MPD para malaman kung kailan aalisin ang mga barikada sa lungsod. — JMA GMA Integrated News