Tatlong magkakamag-anak ang nasawi habang tatlo nilang kapamilya ang nasaktan matapos banggain ang sinasakyan nilang kotse ng isang truck sa kahabaan ng northbound lane ng South Luzon Expressway (SLEX) sa bandang Alabang-Muntinlupa nitong Martes ng madaling araw.
Ayon sa ulat ni Marisol Abdurahman sa “24 Oras,” patay ang tatlong pasahero ng kotse samantalang ang kanilang tatlong kamag-anak – kabilang na ang isang limang taong gulang na bata – ang nagtamo ng mga sugat.
Nasa kustodiya na ng Philippine National Police’s Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang drayber ng truck.
Sinusubukan ng GMA Integrated News na makuha ang pahayag ng drayber.
“Nag-menor itong sedan at hindi na rin po nakapag-preno o nakapag-menor itong truck na ito,” sabi ni PNP-HPG spokesperson Lt. Nadame Malang.
Ayon sa pulis, maaaring mabilis ang takbo ng truck na maaaring naging sanhi ng aksidente.
“Isa din ‘yan sa tinitignan din po na anggulo ng atin pong mga imbestigador. Gayong ‘yung impact talaga nitong truck sa mismo pong sedan, sobrang lala,” dagdag ni Malang.
Nakikipag-usap ang pamilya ng mga biktima sa may-ari ng truck para sa posibleng pakikipag-areglo, ngunit ayon sa PNP-HPG, dapat managot ang drayber ng truck.
Dagdag pa ng PNP-HPG, ang drayber ay maaaring makasuhan ng reckless imprudence resulting to multiple homicide and damage to property. — JMA GMA Integrated News
