Nauwi sa pananakal, duraan, at hampasan ang isang pagtatalo na nagmula sa singitan papasok sa isang parking lot sa Marikina City nitong Martes ng hapon.
Ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa “24 Oras” nitong Miyerkules, naging viral ang video ng insidente na kinasangkutan ng mga drayber at pasahero ng isang pick-up truck, isang gray na kotse at isa pang puting kotse.
Ang dahilan? Singitan sa parking lot ng isang mall sa Marikina City bandang 3:30 ng hapon ng Martes.
Kita sa viral video ang pagtatalo ng drayber ng pick-up truck at gray na kotse. Ilang sandali pa, lumabas ang isang lalaki mula sa puting kotse na nasa harapan ng gray na kotse.
Sinunggaban at sinakal ng lalaki ang drayber ng pick-up truck. Pagkatapos nito ay bumaba ang isang babaeng sakay ng pick-up at hinatak ang isang babae mula sa isang kotse.
Nagkagulo na ang mga drayber at pasahero ng mga nasabing sasakyan hanggang maawat sila ng isang pasahero ng pick-up truck.
Ayon sa Marikina City police, nangyari ang pagtatalo habang papasok ang mga sasakyan sa parking lot ng isang mall. Magkakamag-anak ang mga pasahero ng gray at puting kotse.
“May nauna pang sakyan sa kanila na nakapasok na. Nakapasok na. Ngayon, sumusunod po itong pickup natin yung nasa left side. Then from there po, hindi po na po sila makapasok din kasi nga po nakaharang na rin po yung, kung hindi na nagbigay yung nasa white kasi naiharang niya na yung sasakyan niya nauna. Then hanggang nagkatapat po yung Vios at saka yung pickup,” sabi ni Police Colonel Jenny Tecson, officer-in-charge ng Marikina City police.
Dinala ang mga motorista at pasahero na sangkot sa insidente sa police station.
Sabi ng pulis, ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Land Transportation Office (LTO) ang makapagsasabi kung may traffic violation ang mga sangkot dahil sa gulo sa kalsada. — JMA GMA Integrated News
