Hinahanap na ng Overseas Workers Welfare Administration sa Kuwait ang ina ng tatlong batang magkakapatid na nakunan sa video na minamaltrato ng kanilang ama sa General Santos City. Ang ama ng mga bata, hinahanap naman ng mga awtoridad na tumakas kasama pala ang anak na lalaki.
Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, napag-alaman na ang magkapatid na babae na edad tatlo at walo lang ang nasagip ng mga awtoridad at city social welfare office nang puntahan ang bahay ng mga ito.
Hindi nakita sa bahay ang ama ng mga bata at ang anak nitong lalaki na anim na taong gulang na nakita rin sa viral video na may hawak ng tsinelas at ilang ulit sinaktan ng kaniyang ama.
Nasa pangangalaga naman ng DSWD ang magkapatid na babae.
Ayon sa pulisya, sasampahan nila ng reklamong paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act ang ama ng mga bata.
Lumitaw umano sa imbestigasyon ng mga awtoridad na ibinunton ng ama ang galit sa tatlong anak dahil sa hinala na mayroong karelasyon ang kanilang ina na nagtatrabaho sa Kuwait.
Matagal na rin umanong hindi nagpapadala ng pera sa Pilipinas ang asawa nito.
Ayon kay Administrator Hans Leo Cacdac ng OWWA, kumikilos na ang ahensiya para mahanap ang kinaroroonan ng ginang sa Kuwait para makausap nila.
Handa raw silang tumulong sa inang OFW kung nanaisin niyang umuwi para makita ang mga anak.
Dapat din umanong imbestigahan ang ama ng mga bata mapanagot sa batas dahil sa ginawa sa mga anak. -- FRJ, GMA News
