Kabilang ang 24-anyos na Pinoy nurse sa 24 katao na naaresto ng mga awtoridad sa New Jersey sa isinagawang operasyon laban sa mga naghahanap ng batang maaabuso sa pamamagitan ng internet.
Sa isang ulat ng NJ.com nitong Miyerkules, kinilala ang naarestong Pinoy na si Christopher Vargas, na kinasuhan ng "second-degree luring" na bahagi ng isinagawang undercover sting operation na "Open House" ng New Jersey's Internet Crimes Against Children Task Force.
Ayon sa mga awtoridad, nakipag-chat sa internet si Vargas sa inakala niyang 15-anyos na lalaki. Pero ang hindi niya alam, ang profile ng binatilyo ay kabilang sa mga ipinapain ng mga awtoridad para madakip ang mga naghahanap ng batang maabuso sa pamamagitan ng social media.
Naaresto si Vargas ng mga nag-aabang na mga awtoridad nang magtungo siya sa isang bahay kung saan inakala niyang makakatagpo ang ka-chat na binatilyo sa Toms River, New Jersey.
Ayon sa ulat ng ABC 7, bukod kay Vargas ay may 23 iba pang naaresto ng mga awtoridad sa mga isinagawang operasyon mula September 5-9. Kabilang sa mga nadakip ang isang pulis.
“It is a frightening reality that sexual predators are lurking on social media, ready to strike if they find a child who is vulnerable,” ayon kay Attorney General Grewal.
“We want child predators to know that we are on social media too – and the child they target may be the undercover officer who puts them in handcuffs," dagdag niya. — FRJ, GMA News
