Huli sa entrapment operation sa Cavite ang isang babae na nangolekta umano ng pera sa kaniyang mga biktima na pinangakuan niya ng trabaho sa Singapore na hindi naman natuloy.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si Leonida Guce, na todo tanggi sa alegasyon laban sa kaniya.

Naaresto ng mga awtoridad si Guce sa isang restaurant matapos niyang tanggapin ang pera mula sa isa niyang biktima na nag-a-apply ng trabaho sa ibang bansa.

Ayon kay Police Superintendent Ricky Neron, hepe ng PNP-CIDG Provincial Field Unit, hindi umano bababa sa P50,000 ang sahod sa isang buwan ang ipinapangako ng suspek sa mga biktima para sa mga trabaho sa Singapore.

Pero lumitaw na hindi lisensyado ng Philippine Overseas Employment Administration ang suspek at wala rin siyang napaalis na aplikante.

Ang biktimang si Allen Isip, na tubong San Fernando, La Union, nag-resign pa raw sa trabaho nang matuklasan ang job offer ni Guce para asikasuhin ang kaniyang mga papeles.

Kahit nakapagbigay na raw siya ng pera, hindi pa rin siya nakakaalis. Pero kamakailan lang, sinabihan daw siya ng suspek na lumuwas na para kompletuhin ang requirements at muli siyang hiningan ng pera na P30,000.

Pero nang magbayad na naman, sinabihan daw uli siya ni Guce na maghintay ng tawag.

Sa kabila nito, todo tanggi pa rin ang suspek at iginiit na hindi niya kilala ang mga nagrereklamo at wala siyang pinirmahan na kahit ano na tumanggap siya ng pera.

Sa ngayon, 10 na umano ang nagrereklamo laban kay Guce pero naniniwala ang CIDG na madadagdagan pa ito kapag nalaman na ng publiko ang kaniyang pagkakadakip.

Sinampahan ang suspek ng reklamong large scale estafa at illegal recruitment.--FRJ, GMA News