Isang overseas Filipino worker sa Kingdom of Saudi Arabia ang natagpuang patay sa kaniyang pinagtatrabahuhan. Pero ang misis ng biktima, duda na nagpatiwakal ang kaniyang mister dahil nakakatanggap daw ito ng banta sa buhay.
Ayon kay Gilda Merced Dayanan, asawa ng biktimang si Roger Dayanan, nalaman niya ang sinapit ng kaniyang mister sa pamamagitan ng kapwa nito OFW sa KSA.
Pero duda ang ginang na nagpatiwakal ang kaniyang mister dahil maayos naman daw ang kanilang huling pag-uusap sa cellphone, isang araw bago nakita ang bangkay nito noong Miyerkules.
“Tinawagan ko yung mobile phone niya (Roger) alas-dose (Wednesday) dahil tuwing alas dose ay magkatawagan kami. Ring lang ng ring ang cellphone niya, hindi niya sinagot," kuwento ni Gilda.
"May number ako sa kasama niya na si Donato. Nag-text ako, sabi ko saan ba si Roger, bakit 'di nya sinagot tawag ko? Nag-text back si Donato at sinabi niyang nagbigti daw si Roger," patuloy niya.
Hinihinala ni Gilda na may foul play sa pagkamatay ng asawa dahil may nagbanta umano sa buhay ng kaniyang mister noong nakaraang Pebrero na kapwa nila trabahador na dayuhan.
“Hindi po ako naniniwala na nagpakamatay ang asawa ko, may foul play 'yan sir. Sabi ng mister ko sa kin ang pangalan na Riyad na nagbanta sa kanya na papatayin siya,” sabi pa ng ginang.
Nagalit umano ang dayuhan nang madiskubre ni Roger ang mga illegal na gawain ng mga katrabaho niya. Mula raw noon, lagi na raw sinusubaybayan ang biktimang OFW.
Humingi na rin daw noon si Roger ng tulong sa Kaagapay ng Bawat OFW Advocates group para masagip siya sa pinagtatrabahuhan. Idinulog naman umano ng grupo sa Assistance to Nationals office of the Philippine Consulate sa Jeddah ang hiling nito, hanggang sa mangyari na ang sinasabing "pagpapakamatay" nito.
Ayon kay Vice Consul Lemuel Lopez, pinuno ng Assistance to Nationals of consulate, nakipag-ugnayan na sila sa mga awtoridad ng Saudi tungkol sa nangyari kay Roger.
“We are suggesting to the family to have an autopsy conducted kasi ang proseso ng awtopsiya sa Saudi ay hindi automatic most especially sa mga suspicious deaths so we have to ask the ministry of foreign affairs," sabi ni Lopez.—Ronaldo Concha/FRJ, GMA News
