Mahigit 3,000 trabaho sa abroad at sa Pilipinas ang inialok sa "Araw ng Pasasalamat para sa mga OFW Jobs Fair" na ginanap sa Camp Aguinaldo sa Quezon City. Ang mga nais humabol at matrabaho sa abroad, puwedeng mag-apply sa website ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ang mga trabaho sa New Zealand, Japan, Oman at ilang bansa sa Europa ang puwedeng aplayan sa pamamagitan ng accredited recruitment agencies na lumahok sa jobs fair.
Ayon sa POEA, maraming skilled workers gaya ng construction workers ang kailangan sa New Zealand, mga caregiver at factory worker naman ang hinahanap ng Japan.
Ang Ministry of Health ng Oman, mga medical staff gaya ng mga doktor at nurses ang kailangan.
Ang naturang jobs fair ay inilaan daw para sa mga nagbabalik-OFW at kanilang mga pamilya na naghahanap ng trabaho sa Pilipinas at maging sa abroad.
Puwede pa rin umano mag-apply sa pamamagitan ng website ng POEA.
Dahil sa tumataas ang pangangailan ng mga nurse sa ibang bansa, aminado ang Philippine Nurses Association maging ang Department of Labor na nagkakaroon na ng kakulangan ng mga nurse sa Pilipinas dahil marami ang nahihikayat na mangibang-bansa dahil sa malaking sahod.
Kaya naman iminungkahi ng isang opisyal ng PNA, na gawing P30,000 pataas ang paunang sahod ng mga nurse sa Pilipinas. --FRJ, GMA News
