Habang papalapit ang Pasko, muling iginiit ng Bureau of Customs (BOC) nitong Miyerkules na duty at tax-free ang mga balikbayan box na ipinapadala ng Pinoy sa abroad na hindi hihigit sa P150,000 ang halaga.

Ayon sa BOC ang balikbayan o bumibisitang Pinoy mula sa ibang bansa ay pinapayagang magdala ng mga bagahe nang walang dapat bayaran, alinsunod sa itinatakda ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Ang mga overseas Filipino worker (OFW) na itinuturing Qualified Filipinos While Abroad (QFWA).

 


Dapat na may sertipikasyon mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) o Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang kanilang pinapasukang trabaho.

Paliwanag ng BOC, ang QFWA ay mga Pinoy na nagtatrabaho sa ibang bansa na may employment contracts, kahit pa anong propesyon o kasanayan.

Samantala ang mga resident Filipino ay mga Filipino citizens na pansamantalang naninirahan sa abroad, kabilang ang mga may student visa, investor’s visa, tourist visa, at iba pang katulad na visa.

Dapat ang ipadadala o dalang mga balikbayan box ay may kabuuang halaga na hindi hihigit sa P150,000. Kung hihigit dito, maaari na itong patawan ng duties at taxes. Maaaring magpadala ng balikbayan boxes ng tatlong beses sa loob ng isang taon. 

Kailangang kaanak o kamag-anak na fourth civil degree of consanguinity ang tatanggap ng ipapadalang bagahe.

Nakasaad din sa Section 800 (g) ng CMTA, na dapat mga personal at household belongings tulad ng mga damit, palamuti, electronic gadgets, at toiletries, ang puwedeng ipadala.

Pero ang mga gamit na ipadadala nang maramihan para ibenta at iparenta ay hindi sakop ng duty at tax-free privilege.

Ang tax exemption endorsement ay maaari namang kumuha sa Department of Finance-Revenue Office. —FRJ, GMA News