Isa namang Pinay domestic helper ang pinaslang umano ng kaniyang among babae sa Kuwait, ayon sa Department of Foreign Affairs nitong Lunes.
Wala pang kompletong detalye na inilalabas ang DFA, na mariing kinondena ang panibagong insidente ng karahasan sa OFW sa Kuwait.
Ang asawang babae umano ng amo ang nasa likod ng nangyaring krimen.
"The continuing incidents of violence and abuse of Filipino domestic workers in Kuwait violates the spirit of the agreement signed in May 2018 that seeks to promote and protect their welfare," saad ng DFA sa pahayag.
Nanawagan ang DFA sa mga awtoridad sa Kuwait ng "complete transparency" sa isinasagawang imbestigasyon at tiyakin ang mabilis na pag-usig sa may kagagawan ng krimen.
"The Philippine Embassy in Kuwait is coordinating closely with Kuwaiti authorities to ensure that justice will be served," ayon pa sa DFA.
Matatandaan na ang mataas na insidente ng karahasan laban sa mga Pinay domestic helper ang nagtulak para magpatupad ng deployment ban noong 2018 ang Pilipinas.
Pagkaraan ng ilang buwan, inalis lang ang ban nang magkaroon ng kasunduan ang dalawang bansa na titiyakin ng Kuwait na poprotektahan ang mga manggagawang Pinoy doon.
Kabilang ang Kuwait sa mga bansa na pangunahing destinasyon ng OFW sa Middle East. Tinatayang nasa 250,000 OFWs ang nagtatrabaho sa Kuwait na ang karamihan ay domestic helpers. — FRJ, GMA News
