Balak na raw sanang nagbitiw sa trabaho at umuwi na lang sa Pilipinas ngayong Enero ang 26-anyos na Pinay domestic helper na pinaslang umano ng kaniyang among babae sa  Kuwait, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Sa panayam ng "Dobol B sa News TV" nitong Miyerkoles, sinabi ni OWWA Administrator Undersecretary Hans Leo Cacdac, na inihayag sa kaniya ng recruitment agency ng nasawing OFW na plano na nitong bumalik sa Pilipinas ngayong buwan.

READ: Isa na namang kasambahay na Pinay sa Kuwait, pinaslang umano ng kaniyang amo

Inirereklamo rin umano ng OFW na mas mababa ang sahod na natatanggap nito kaysa inaasahan niya.

"Nakausap ko rin 'yung parang stepmother niya, nagkukuwento rin na meron na sanang plano na siya ay umuwi at umalis doon sa employer," ayon kay Cacdac.

Nagtungo umano sa Kuwait ang OFW dahil nais niyang matulungan ang pamilya na maipaayos ang bahay nila sa South Cotabato at masuportahan ang pag-aaral ng mga nakababatang kapatid.

Napag-alaman din na July 2019 lang nang maipadala sa Kuwait ang biktima.

Hindi naman nagbigay ng detalye si Cacdac tungkol sa pagkamatay ng OFW dahil patuloy pa umano ang isinasagawang imbestigador ng mga awtoridad.

Inaayos naman umano ng Department of Foreign Affairs ang pagproseso upang maibalik na sa bansa ang mga labi ng biktima.

"We will be coordinating and talking to the family in the next few days about any type of assistance aside from the entitlements, 'yung mga benefits and other forms of assistance. We will be coordinating with the family," ayon kay Cacdac.

"Merong death and burial benefits both from the government side and from the private insurance side. Kasi every OFW is insured bago siya umalis. And then livelihood, and then scholarship lalo na doon sa bunsong kapatid," dagdag niya.— FRJ, GMA News