Bukod kay Jeanelyn Villavende na pinatay umano sa bugbog ng kaniyang amo, isa pang Pinay sa Kuwait ang iuuwing malamig na bangkay.

Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News "Saksi" nitong Miyerkules,  sinabi ni Vice Consul Adrian Audrey Baccay, na nasawi ang OFW na si Maryjoy Tajo, noong bisperas ng bagong taon matapos masagasaan ng motorsiklo na pinapatakbo ng isang Egyptian.

Naisugod pa umano sa ospital sa hospital si Tajo pero hindi umabot doon nang buhay.

Naospital din umano ang nakasagasa sa kaniya.

"Magbibigay po tayo ng lawyer. Wala pong ibabayad po na ni-singko po ang pamilya po ni Maryjoy para po masiguro po na makakamit po ni Mary Joy ang hustisyang kanilang hinahanap," ayon kay Baccay.

Idinagdag ng opisyal na maiuuwi sa bansa sa loob ng linggong ito ang mga labi ni Tajo.

Samantala, matinding emosyon naman ng mga nagluluksang kaanak ang sumalubong nang mauwi sa bansa ng mga labi ni Villavende, sinasabing pinatay sa bugbog ng kaniyang amo sa Kuwait.

Tiniyak ni Administration Hans Cacdac ng Overseas Workers Welfare Administration, na makatatanggap ng mga benepisyo ang mga naulila ni Villavende dahil aktibo siyang miyembro ng OWWA.

Ibibigay rin daw ng Justice department ang lahat ng suportang legal sa pamilya ni Villavende.

Sa ngayon, umiiral pa rin ang partial ban ng Pilipinas sa pagpapadala ng mga OFW sa Kuwait, at mananatili raw ito hanggang hindi nabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng biktima.

Pinuna rin ni Cacdac ang umano'y pagbabago ng posisyon ng Kuwait tungkol sa napagkasunduan noon para maprotektahan ang mga OFW na nagtatrabaho sa kanilang bansa.

"Nagbago ang isip ng Kuwaiti side. Biglang sabi nila 'di kailangan ng bukod-tanging kontrata. Basta isang standard contract na lang sa lahat ng migrant workers sa Kuwait. Hindi kailangan ng special contract for Filipinos. Tayo, 'di tayo umaayon du'n kasi meron tayong May 2018 agreement," giit ng opisyal.--FRJ, GMA News