Isang Pilipino cruise ship crew member ang natagpuang patay sa pinagtatrabahuhan niyang ng barko na Scarlet Lady, na nasa sa karagatang sakop ng Florida,  ayon sa US Coast Guard. 

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing batay sa impormasyon na ibinigay ng US Coast Guard, 32-anyos ang Pinoy, na pinaniniwalaang nagpatiwakal.

Nagpaabot na umano ng pakikiramay sa pamilya ng Pinoy ang may-ari ng cruise ship na Virgin Voyages, pero hindi na sila nagbigay pa ng ibang detalye sa insidente.

Dahil sa krisis na idinulot ng COVID-19, nakahimpil lang umano sa karagatan ng Florida ang barko mula pa noong Marso, at nandoon ang mga crew nito.

Isang specialized blog na Cruise Law News, ang unang nag-ulat sa insidente mula sa impormasyon na ibinigay ng kanilang mga source. Hindi malinaw kung kailan pumanaw ang Pinoy sailor.

Pero tagalinis umano ng mga kuwarto ng mga bisita ang nasawi.

Ayon sa blog at ulat ng Miami Herald, nakuha na umano ang mga labi nito sa barko.

Ngayong buwan ng Mayo, nasa anim na crew member ng cruise ships sa iba't ibang panig ng mundo ang nasawi na hindi sanhi ng sakit mula sa virus.  Lima umano sa kanila ang pinaniniwalaang nagpatiwakal.

Nahaharap sa malaking pagsubok ang mga cruise ship line sa pagpapauwi sa libu-libo nilang crew members. Ang iba sa kanila ay inaabot na ng ilang buwan sa laot, at hindi  matiyak kung kailan makakauwi.

Ang proseso ng repatriation ay nakasalalay sa health and safety measures na nakalatag sa bawat pantalan ng bansa na kanilang kinaroroonan. —AFP/FRJ, GMA News