Magkakaloob umano ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ng livelihood loans sa mga grupo ng overseas Filipino workers (OFWs) na naapektuhan ng COVID-19 pandemic, ayon kay administrator Hans Leo Cacdac.
"Three weeks ago nag-approve ang OWWA board chaired by Secretary [Silvestre] Bello III ng group livelihood. It's a P500 million facility, it's a [loan] grant P150,000 to P1 million ang maiga-grant natin," sabi ni Cacdac sa pagdinig ng Senate committee on labor nitong Martes.
"It's a group livelihood program. We're set to roll this out in September," dagdag ng opisyal.
Nakikita umano ng OWWA Board na mas magiging matagumpay ang group livelihood loans.
"Batay sa karanasan, may malaki ang tiyansa ng tagumpay kung grupo kaya ang napagpasyahan ng OWWA board ay i-encourage ang group livelihood program lalo na sa panahon ng pandemya, baka mas matibay ang negosyo kung grupo po sila," paliwanag ni Cacdac.
Gayunman, hindi nabanggit ni Cacdac ang mga detalye kung papaano makapag-a-apply ang mga OFW sa naturang group livelihood assistance.
Tinatayang nasa 165,000 OFWs ang natulungan ng OWWA na makabalik sa kani-kanilang lalawigan mula noong Mayo 15, ayon kay Cacdac. Sa naturang bilang nasa 50 hanggang 60 porsiyento umano ang nag-apply para sa P10,000 cash aid sa pamamagitan ng Abot Kamay ang Pagtulong (AKAP) program.
Ayon kay Senate committee on labor chairperson Joel Villanueva, sa 250,000 target beneficiaries ng AKAP, nasa 162,266 OFWs o 64.1% pa lang ang nakatatanggap ng tulong.
Sinabi ni Cacdac na may P1 bilyon ang nakalaan sa AKAP mula sa supplemental budget na natanggap ng Department of Labor and Employment (DOLE), at P2 bilyon sa panukalang Bayanihan 2 law.
"Malaki ho ang pag-asa natin na mahahagip natin ang balanse, 'yung kailangan pa tulungan dito sa DOLE-AKAP," sabi ni Cacdac.
Batay umano sa datos ng DOLE, sinabi ni Villanueva na hanggang nitong Agosto 19, umabot na sa 394,044 OFWs ang naapektuhan ng COVID-19 pandemic.— FRJ, GMA News

