Inihayag ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. nitong Lunes na may rekomendasyon na para kasuhan si Philippine Ambassador to Brazil Marichu Mauro na nakita sa video na sinasaktan ang kaniyang 51-anyos na kasambahay na Pinay.
Sa Twitter post, sinabi ni Locsin na isinilbi kay Mauro ang reklamo kaninang umaga.
"I sent a memo to the President on it. The Hearing Panel’s report and charge will be passed upon and approved/disapproved by the Board of Foreign Service Administration; and finally by the Secretary. It shouldn’t take too long," anang kalihim.
Hindi binanggit ni Locsin ang resulta ng rekomendasyon ng lupon at ano ang partikular na reklamong isinampa kay Mauro.
Matatandaan na kaagad na pinauwi ng DFA si Mauro mula sa Brazil matapos lumabas ang video at ulat tungkol sa pananakita umano niya sa kasambahay.
Wala pang inilalabas na pahayag si Mauro at ang kasambahay tungkol sa insidente.
Una rito, sinabi ni Locsin na aaksiyunan ng DFA ang insidente at igagawad ang kaukulang hakbang laban kay Mauro, batay sa magiging resulta ng imbestigasyon.—FRJ, GMA News

