Inutusan ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang Philippine Embassy sa Kuwait na itigil ang pagbabayad ng P7.5 milyon na "blood money" sa pamilya ng pinaslang na overseas Filipino worker (OFW) na si Jeanelyn Villavende.

Sa Twitter post, inihayag ni Locsin ang pagkadismaya sa pangyayari sa kaso ni Villavende, kasabay ng utos kay Philippine Ambassador to Kuwait Noordin Pendosina Lomondot na “tiyaking" na maipatutupad ang parusang kamatayan sa amo ni Villavende.

“Lomondot to report in writing the shenanigans going on there and what he’s done about it, what he’s done to stop it. We had this; he lost it; he’s gotta get it back. All trips to Middle East for photo ops and palabas stopped. Travel money needed to match blood money,” ayon kay Locsin.

“Malacañang is on to this ignominy. There must be hell to pay if anyone on our side shows ambivalence and a lack of total commitment. This is unforgivable,” ayon pa sa kalihim.

Sa kaniyang Twitter post, inilagay pa ni Locsin ang larawan ng bangkay ng pinaslang na OFW.

Nitong nakaraang Disyembre, hinatulan ng korte sa Kuwait ng parusang kamatayan ang among babae ni Villavende sa pamamagitan ng bitay.

Lumilitaw na pinahirapan at ikinulong ng amo si Villavende hanggang sa mamatay noong 2019, ayon kay DFA Undersecretary for Civilian Security and Consular Concerns Brigido Dulay.

Sa isinagawang awtopsiya ng National Bureau of Investigation sa bangkay ni Villavende, lumitaw din na pinagsamantalahan siya.

Pero parusang pagkakakulong lang ng apat na taon ang iginawad ng korte sa among lalaki ni Villavende.

Dati nang hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kuwait na “pugutan" ang mga pumatay kay Villavende.

Ang kaso ni Villavende ang nagtulak sa pamahalaan ng Pilipinas na magpatupad ng deployment ban sa Kuwait noong Enero 2020, na kinalaunan ay inalis matapos masampahan ng kaso ang mga responsable sa pagkamatay ng OFW.—FRJ, GMA News