Inihayag ng manpower agency ng Filipino seaman na nasawi sa barko dahil sa hampas ng malalaking alon, na inaasikaso na nila na maiuwi sa Pilipinas ang kaniyang mga labi.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ng Elburg Shipmanagement Philippines Incorporated, nakikipag-ugnayan na sila sa Overseas Workers Welfare Administration; Philippine Overseas Office sa Canada; at Philippine Overseas Employment Administration, para sa repatriation ng mga labi ni Jake Marinduque.

Inaasikaso rin nila ang pagpapauwi sa mga kasamahan ni Marinduque na nasaktan sa naturang insidente.

Nasawi si Marinduque nang humampas siya sa deck ng kanilang barko nang tumama sa kanila ang malalaking alon habang naglalayag patungong Canada.

“Our records will bear that we have been faithfully cooperating with the said agencies and all relevant and concerned authorities, as may be necessary,” ayon kay Angelita Ancheta, presidente ng kompanya.

“We have voluntarily complied with all their requests and requirements and will continue to do so in order to expedite the resolution of this case,” dagdag pa niya.

Magkakaloob din umano ng tulong ang Elburg sa naiwang pamilya ni Marinduque.

“We guarantee that all necessary assistance, financial and otherwise, will be extended to the family of Jake,” sabi ni Ancheta.— FRJ, GMA News